Naramdaman ang magnitude 4.5 na lindol sa iilang bahagi ng Kanlurang Visayas nitong 9:35 n.u. ng Biyernes, Oktubre 16, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Naitala ang epicenter ng lindol sa layong 14 kilometro timog-kanluran ng bayan ng San Joaquin sa probinsya ng Iloilo na may lalim na 6 kilometro mula sa ibabaw ng lupa. 

“Nagkakaroon kami ng online consultation noong naramdaman ko ang malakas na pagyanig, kaya dali-dali akong lumabas ng aming bahay kasama ang aking pamilya. Labis ang takot at kaba ko dahil nagkaroon din ng mga pagyanig kagabi, at nagkaroon rin ng maraming ‘aftershocks’ pagtapos ng lindol. Gayunpaman, malaki ang pasasalamat ko sapagkat ligtas ang lahat ng mga miyembro ng aking pamilya, ” pahayag ni John Earl Setias, G11 Pisay scholar mula sa bayan ng San Joaquin. 

Natukoy ang pagyanig sa Miagao, Iloilo (Intensity IV), Anini-y at Hamtic, Antique (Intensity III) at naramdaman din di-umano sa lungsod ng Bago at Sipalay sa Negros Occidental.  

“Ako ay nasa gitna ng isang online monitoring noong unang lumindol. Namalayan ko lang na lumilindol na pala noong sinabihan kami ng aming guro. Nakakahilo at nakakakaba ang paglindol, ngunit ang mahalaga ay ligtas at buhay pa rin kaming lahat. Mag-ingat kayong lahat mga besties! “pahayag naman ni Louis Ferdinand Cubita, G11 scholar mula sa bayan ng Miagao. 

Sinundan ito ng dalawa pang magnitude 4.4 na mga lindol sa parehong bayan na may lalim na 1 kilometro mula sa ibabaw ng lupa.

Sa kasalukuyan ay wala pang naitalang pinsala o mga nasawi na dulot ng lindol.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *