Nasungkit ng Team PSY mula sa Philippine Science High School-Western Visayas Campus ang pangalawang lugal sa “YES! TV Vlog Competition: Got a bright SciDea contest!” ng Department of Science and Technology Region VI sa kagaganap lamang na Regional Science and Technology Week 2020.

Binubuo ang naturang grupo ng limang Grade 11 na mga iskolar ng paaralan na sina Alliyah Robles, Altair Mizar Emboltura, Elisha Eusebio, John Earl Setias, at Mary Antonette Cuachon na pinarangalan nito lamang Dis. 3, 2020.

“Hindi ko malilimutan ang mga araw na inilaan namin para sa pagpaplano sa aming bidyo dahil iba’t ibang ideya at paksa ang aming napag-usapan. Ang malalim at hindi pangkaraniwang ideya ng Schrodingers Cat ang nag-udyok sa aming ipaliwanag ito nang simple at maayos bilang paksa ng aming bidyo. Ang pagbuo at pag-direct ng video ay hindi madali ngunit sinikap at kinaya namin itong mabuo kahit na may kaunting pagkakamali,” pahayag ni Alliyah Robles, isa aa mga miyembro ng Team PSY, ukol sa kanilang pinagdaanan sa pagbuo ng kanilang entry. 

Nilayon ng paligsahan na mabigyan ng plataporma ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang pribado at pampublikong paaaralan sa sekondarya at kolehiyo sa Kanlurang Visayas na ibahagi at ipaliwanag sa mas simpleng paraan ang mahihirap na mga topiko sa agham, at tinalakay ng Team PSY ang konsepto ng Schrodinger’s Cat. 

“Nakalulungkot noong nakita namin na kami ang may pinakamaliit na interaksyon sa lahat ng entries sa page ng DOST ngunit hindi kami nawalan ng pag-asa. Mababa man ang bilang ng aming likes at shares, lubos kaming natuwa dahil nakamit namin ang ikalawang puwesto,” dagdag pa ni Robles patungkol sa hamon na kanilang hinarap. 

Pinili ang entries batay sa lalim, kalinawan, pagkamalikhain, at nakuhang mga reaksyon at shares sa Facebook. 

“Malaki ang pasasalamat namin sa lahat ng sumuporta sa pamamagitan ng pagbahagi ng bidyong aming inihanda para sa kumpetisyong ito. Kung wala kayo, hindi kami mananalo,” panapos na pahayag ni Robles. 

Makatatanggap ang grupo ng gift certificates na nagkakahalaga ng P3000 na balak naman nilang ibahagi sa Oplan Pag-Agubay: Bayanihan-for-a-Cause project ng kanilang mga kaklase upang tulungan ang mga nangangailangan.

Leave a Reply

Your email address will not be published.