Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs na dalawang Pinoy ang namatay at walo ang nasugatan sa nangyaring pagsabog sa Beirut, Lebanon, Agosto 4.  

Ayon sa Philippine Embassy sa Lebanon, lahat ng mga nasabing Pinoy ay nasa bahay ng kanilang mga employer nang nangyari ang pagsabog. 

Pumalo sa 80 ang kabuuang bilang ng mga namatay at 4000 naman ang sugatan na inaasahang tataas pa habang patuloy ang search-and-rescue operations.

Inihalintulad ng geosciences center GFZ ng Germany sa 3.5 magnitude na lindol ang lakas ng nasabing pagsabog na sinundan naman ng sunog kung saan maraming imprastraktura at ari-arian ang nawasak. 

Nagpatawag ng emergency cabinet meeting si Lebanon President Michael Aoun na nagpaplanong isailalim ang Lebanon sa dalawang linggong state of emergency.

Hindi pa malinaw ang dahilan ng pagsabog ngunit iniugnay ito ng mga awtoridad sa 2,750 toneladang ammonium nitrate na nakumpiska sa isang warehouse doon. 

Leave a Reply

Your email address will not be published.