Kinilala ang isa sa mga guro sa Matematika at Kimika ng Philippine Science High School-Western Visayas Campus (PSHS-WVC) sa birtwal na seremonya ng In Touch with Excellence, noong Dis. 3, 2020.

Si Elizalde Miguel Flores ay nagtapos na magna cum laude sa kursong BS Chemical Engineering sa Unibersidad ng Pilipinas – Visayas.

Isa siya sa mga nakatanggap ng MERIT Scholarship na kabilang sa mga gawad na ipinagkaloob ng Department of Science and Technology-Science Education Institute (DOST-SEI) na may layuning maghandog ng “scholarship slots” sa mga estudyante sa kolehiyo na kumukuha ng mga kursong pang-agham at pangmatematika.

“Ang mga katangiang kinakailangan upang magtagumpay bilang iskolar ng DOST ay sipag sa pagsasagawa ng mga aralin, palagiang pagsisikap na may kahusayan, at higit sa lahat, pagpapahalaga sa katapatan at integridad sa lahat ng iniisip at ginagawa,” wika ni Flores.

“Hindi ko inakala na magiging Chemical Engineer ako noong una, ngunit nagkataon lang na nagustuhan ko ang kimika at matematika noong ako’y nasa high school pa lamang. Bilang inhinyerong pangkimika sa hinaharap, bumubuo kami ng mga proseso at sistemang tutulong sa paggawa ng sari-saring produkto kagaya ng pagkain, medisina, kagamitan sa bahay, at iba pa. Makatutulong ito sa taong bayan sapagkat magkakaroon tayo ng pambansang industriyang tutugon sa mga isyung panlipunan kagaya ng food security. Bukod dito, masisiguro natin na ang mga prosesong ginagamit ay ligtas sa kalikasan, na siyang magpapagaan ng isyung pandaigdigan na dulot ng climate change,” dagdag pa niya.

Ang In Touch with Excellence ay kasama sa mga programa kaugnay ng Regional Science and Technology Week na inihanda ng DOST–Rehiyon VI.

Labinsiyam na estudyante ang pinarangalan sa nasabing seremonya; lima sa kanila ay nakapagtapos ng magna cum laude, kabilang na si Flores.

“Ang inyong nakamit na gawad ay isang inspirasyon at kasiguruhan na ang pinakamahusay at pinakamatalino sa buong bansa ay sasali sa komunidad ng mga siyentista sa madaling panahon,” panapos na sabi ni Dr. Josette Biyo, kasalukuyang direktor ng DOST-SEI at pangunahing tagapagsalita sa programa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *